Sa panahon ngayon, maraming kabataan ang nakikita sa lansangan na kung titigna’y animo’y isang hayop lang na pakalatkalat sa mga lugar na hindi nila dapat kinalalagyan, kabataan na napaka dungis at walang saplot na tila walang magulang na nagbuhay sa kanila dito sa mundong kanilang kinalalagyan upang sila’y arugain, marami ring kabataan ang nasasangkot sa mga ilegal na bagay tulad na lamang ng pagnanakaw, pagpatay, at kahit pa sa pag gamit ng ipinagbabawal na gamot. Sa mga panukalang iyan, naniniwala ka pa ba sa pahayag ni Gat Jose Rizal na “Ang Kabataan ay Pag-asa ng Bayan”?
Kung ang kabataan ay tulad ng ipinakikilala sa itaas, maaring hindi sila ang hinahanap ng ating bayan para umunlad, hindi sila ang magbibigay sa atin ng ginhawa na ating inaasam, at lalong hindi sila ang gustong ipahatid ni Gat Jose Rizal sa kanyang pahayag. Ayon sa isang talumpati na aking nabasa, na nagsasabing ang bawat bata ay may mga karapatan. Karapatang makahawak ng libro’t lapis, upang sila ay magkaroon ng kaalaman sa bawat bagay na kanilang makikita dito sa ating mundo. Mahagkan ang haplos ng kalinga, proteksyon, at pagmamahal ng isang magulang, upang maramdaman nila na hindi sila nag-iisa at may tao na handang tumulong sa kanila sa oras ng pangangailangan. At matustusan ang pangangailangan at masilayan ang kagandahan ng mundo. Sa ganitong paraan, maaring ang kabataan ay maging isang magandang ugat upang tayo ay tuluyan nang maging isang ganap na masaganang puno o kung ikukumpara sa ating istado ay maging ganap na isang maunlad na bayan.
Ang lahat ng kabataan na tatamasa ng ganyang karapatan ay siyang magsisilbing paa patungo sa maunlad na bayan, magisisilbing kamay na mag-aasikaso ng mga problemang gugulo sa maayos na pamumuhay, magsisilbing utak sa pag-ahon ng ating bansa sa kahirapan, ang magsisilbing ugat na pagdadaluyan ng kaalaman upang magkaisa ang bawat Pilipino na gustong mamuhay ng matiwasay, at ang magsisilbing puso na siyang bubuhay sa natutulog nating damdamin upang iluklok ang tamang pinuno at sabihin sa kanya kung ano ang naramramdaman ng bawat isa sa kanyang nasasakop.
Kabataan, magtiwala sa iyong kakayahan! Sila ang pag-asa ng bayan dahil masnakikita nila ang mga mali ng nakakatandang mamamayan at sa pamamagitan nito ay maiitutuwid nila ang pagkakamali at makakaharap sila sa panibagong bukas na masagana. “Kabataan nga naman ating kailangan dahil sa bayan natin sila ang kayamanan”. Ang kabataan ay hindi isang laruan na dapat lamang itapon kung ito ay hindi na napapanahon, ang kabataan ay isang magandang simula patungo sa pag-unlad ng bansa, ang kabataan ang tutugon sa suliraning ikinakaharap ng ating lipunan, ang kabataan ang siyang ating aasahan sa oras ng pangangailngan, kabataan pag-asa ng ating bayan! sa isip, sa salita, at sa gawa!”.
No comments:
Post a Comment