Saturday, April 16, 2011

Jeepney: Mga karanasan


Ang "King of the Road" ng Pilipinas 'o mas kilala ng nakararami bilang "Jeepney" ay makikita saan mang lupalop ng ating bansa. Ito ang kadalasan nating sinasakyan papunta sa eskwelahan, opisina, 'o kahit sa isang simpleng lakad lamang. Ang sasakyang ito ay talagang maipagmamalaki ng ating bansa sa kadahilanang isang Pinoy ang nakagawa 'o naka-isip ng disenyo nito.

May mga hindi magandang bagay tayo na nararanasan sa pagsakay natin sa isang jeepney: Minsan dito tayo nakakatulog pag nakakaramdam tayo ng sobrang pagod at kung mamalasin nga naman ay makakalagpas tayo sa ating pupuntahan, dito rin tayo nakakaranas ng pagod 'pag sobrang traffic sa daan na tila isang pagong ang ating sinasakyan sa sobrang tagal nitong umandar at kapag umuulan pa nga ay napakahirap sumakay, kailangan pang maghintay na umaabot na sa pangangalay ng paa sa sobrang tagal mo ng nakatayo dahil puno nang pasahero ang lahat ng nadaan na jeep. Dito din tayo nakakaramdam ng takot kapag may mga pasahero na kaka-iba ang ikinikilos 'o kapag puro lalaki ang mga kasama nating pasahero na tila ang haba haba ng daanan bago tayo makarating sa ating bababaan. Isa din ito sa dahilan ng ating pagba.budget ng pera dahil dapat sakto lang ang ibabayad nating pamasahe dahil may mga driver na nakakalimot 'o sadyang kinakalimutan magbigay ng sukli "ma, yung sukli po sa 20?" at minsan naman ay kulang ang isinusukli sa atin "ma, isa lang ho yun 20, kulang ho sukli n'yo". At dito din tayo nakakaramdam ng sobrang pagkainis 'pag gusto na nating bumaba pero hindi tayo marinig ng driver. 'Yung tipong salita na tayo ng salita ng "para po", "sa tabi lang ho" at uulitin pa natin ng pasigaw "para po!!" at hanggang sa tulungan na tayo ng iba pang pasahero "ma, para daw ho" at sasagot ang driver ng "may bababa?". Hindi man nila sinasadya pero nakaka insulto 'yung ganun diba? hay, nakakainis talaga yung ganung mga driver.

At kung may hindi maganda, may magandang dulot din ang pagsakay natin sa isang jeepney. unang una na d'yan ang paghatid nito atin sa mga lugar na ating pupuntahan. Dito din tayo nakakapagpahinga 'pag pakiramdam natin ay sobrang pagod tayo galing sa eskwelahan 'o opisina. Dito din tayo nakakatipid dahil mura lang naman ang pamasahe kaysa sa bumili ka pa ng sariling kotse at magpagasolina linggu-linggo. May mga tao na nakakalibre sa pagsakay nila dito, 'yun ay ang mga hindi nila pagbayad ng pamasahe 'o mas kilala sa tawag na "123". May mga pagkakataon din na nakakatulong tayo sa ating kapwa, halimbawa na lng kapag may nasakay na matanda 'o tao na may kapansanan ay tinutulungan natin sila sa pagsakay at pagbaba at higit sa lahat dahil sa jeepney, napapanatili natin ang "BAYANIHAN" sa pamamagitan ng pagtulung-tulong sa pag abot ng pamasahe mula sa pasahero papunta sa driver. Napansin mo ba yun? yan ang madalas na karanasan mula sa pagsakay sa isang jeepney.

Ikaw, ano ang kakaibang karanasan mo sa pagsakay sa "King of the Road" ng Pilipinas? ..


No comments: